Ang Arroceros Forest Park ay matatagpuan sa Antonio Villegas Street na dating tinatawag na “Calle Arroceros” at nakapaloob sa distrito ng Ermita. Ito ay may lawak na 2.2 hectare na malapit sa ilog Pasig at Quezon bridge.
Ayon sa Manila Doctors Hospital and UPLB College of Forestry and Natural Resources, ang tree count ng Arroceros Forest park ay 1567. Bagama’t may kaliitan ang gubat na ito, ito naman ay nagiging atraksyon para sa maraming Pilipino at turista. Ito rin ang itinuturing na nagbibigay ng sariwang hangin sa lugar ng Lawton
Ang forest park na ito ay may mga inalagaang mga rare species na mga puno katulad ng Bagras na isang pamilya ng bayabas. May mga matatagpuan din ditong mga lahi ng ibon na aabot ng 50 species katulad ng Philippine Pied Fantail, Yellow-Vented bulbul at Crow.
Ayon sa kasaysayan, tinayuan ito noong mga panahon ng kastila ng pabrika ng Tabacoo na tinawag na Iron Skeleton Building, New Offices of Cia General de Tabacos de Filipinas Manila- San Marcelino na kalaunan ay nasira at inabandona noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Dahil sa patuloy na pagpapatayo ng mga establisyemento malapit sa Arroceros ay unti unting lumiliit ang lupang sakop nito. Upang mapangalagaan ang kagubatang ito, isang ordinansa ang nilagdaan ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso upang maideklara ito bilang “permanent forest park”
Ayon sa artikulong inilathala ng City of Manila noong March 3, 2020, nilagdaan ni Mayor Isko ang Ordinance No. 8607 na nagdedeklarang ang pirasong lupa ng Arroceros na kilala noong “Decs Property” ay maging permanenteng forest park na. Sa ilalim ng ordinansang ito, ipinagbabawal ang pagputol ng puno, pagtatapon ng mga basura at iba pang paraan ng paninira.
Magtatakda din ang Manila city government ng mga magbabantay sa buong lugar upang mahuli ang mga lalabag sa mga alituntuning ito. Pagmumultahin ng lokal na gobyerno ang mga mahuhuli ng Php. 2,500 sa first offense, Php. 3,500 sa second offense at Php. 5,000 o pagkakakulong na hindi lalagpas ng isang taon na naaayon sa isinasaad ng korte sa third offense.
Naglaan din ang gobyerno ng Maynila ng Php. 1 milyon para sa operasyon nito at bumuo sila ng Arroceros Forest Park Governing Committee para gumawa ng management plan para sa pagmimintina at operasyon ng parke.